📱

Get Our Mobile App

Take your business learning on the go!

Download on the App StoreGet it on Google Play

PAANO NAGSIMULA ANG ENCHANTED KINGDOM | Sino Yung Wizard Ng EK?

Sangkay TV14:29

Transcription

Noong 2022 ay ginawan ko ng content yung Star City, at gaya ng inaasahan ko ay marami ang nag-comment na gawan ko rin daw yung isa pang sikat na theme park na Enchanted Kingdom.

At bagamat di pa ako nakakapunta ng Enchanted Kingdom o EK, ay madalas naman itong napuputahan ng mga anak ko tuwing may field trip sila sa school. At dahil siguradong marami rin sa inyo ang interesadong malaman ang kwento sa likod ng pinakamalaking theme park sa Pilipinas. Yan ang pag-uusapan natin sa video na ito, mga kasangkay. Aalamin natin ang kasaysayan ng Enchanted Kingdom at ang mga bagay na dapat nyong malaman tungkol dito.

Pero bago tayo magsimula ay iniimbitahan kitang mag-subscribe kung bago ka lang sa aking channel at mahilig ka sa mga ganitong content. Paki-click na rin ang bell icon para lagi kang updated kapag nag-upload ako ng mga bago kong video.

Nagsimula ang kwento ng Enchanted Kingdom sa founder nito na si Mario Mamon. Lumaki si Mario sa tubuhan ng kanilang pamilya sa Canlubang, Laguna. Kaya di na nakakapagtaka na Bachelor of Science in Agribusiness ang tinapos niya sa University of the Philippines Los Baños o UPLB. Dito niya nakilala ang asawa na si Cynthia Romero.

Maliban sa Laguna ay may mga tubuhan din ang pamilyang Mamon sa Cavite at Batangas. Pero nung nagretiro ang ama ni Mario noong 1976 ay lumipat na sila at permanenteng nanirahan sa Calamba, Laguna. Nang namatay ang ama noong 1985 ay napunta kay Mario ang responsibilidad ng pagpapatakbo sa negosyo ng pamilya. Kaso makalipas ang ilang taon ay humina ang industriya ng asukal na sinabayan pa ng industriyalisasyon ng Santa Rosa. Hanggang sa tumigil na ang operasyon ng mga tubuhan nila Mario noong 1992. Ang dating sugarcane farm nila ay parte na ngayon ng Nuvali, isang high-end community na dinivelop ng Ayala Corporation.

Pero malawak pa rin ang mga lupain ng mga Mamon sa Laguna at naging malaking hamon para kay Mario kung paano pagkakitaan ang ang mga ito. Nagsimula na din ng pamilya si Mario at Cynthia at isa sa nakahiligan nila ang pagpunta sa iba’t ibang carnival at amusement park sa bansa. At dito nakuha ng mag-asawa ang ideya sa bagong negosyo na pwede nilang simulan. Naging libangan na ng pamilya nina Mario at Cynthia Mamon ang pumunta sa mga carnival at amusement park sa bansa gaya ng Boom na Boom, Big Bang sa Alabang at Fiesta Carnival. Nabisita rin nila ang mga sikat na theme park sa ibang bansa gaya ng Disneyland at Ocean Park sa Hong Kong. At dahil sa sumisiglang ekonomiya noon ay naisip ng mag-asawa na magandang magtayo ng sarili nilang theme park sa Pilipinas.

Walang alam ang mag-asawa sa amusement industry. Pero isang oportunidad ang dumating sa kanila noong early 90s nang minsan ay bumisita sila sa Ocean Park sa Hong Kong. Umattend ang mag-asawa noon sa isang amusement conference kung saan may nagpakilala sa kanila sa International Association of Amusement Parks and Attractions o IAAPA, ang global association para sa amusement park industry. Napagtanto ng mag-asawa na ito na ang susi para makapasok sila sa industriya. Kaya noong 1992 ay sumali sila sa IAPPA kasabay ng una nilang pag-attend sa trade show nito sa Dallas, Texas. At mula noon ay naging aktibong miyembro na nito si Mario kung saan marami siyang nakilalang mga consultant at supplier ng iba’t ibang amusement park.

1992 pa lang ay sinimulan niya na ang pagpaplano para sa itatayo nilang theme park. Nakatunog sila na may mga grupo na balak ding magtayo ng kaparehong park sa Pilipinas kaya minadali nila ang paggawa nito. Gamit ang koneksyon nila sa IAPPA ay kumuha sila ng mga mahuhusay na designer at consultant para sa itatayo nilang theme park sa Santa Rosa, Laguna. Nagsimula ang konstrukyson noong 1994 at noong October 19, 1995 ay binuksan sa publiko ang kauna-unahang world-class theme park sa bansa na tinawag nilang Enchanted Kingdom.

Nung pinaplano pa lang yung Enchanted Kingdom ay labis na nabighani ang mga consultant sa mga arkitekurang Pilipino. Kaya Pinoy na Pinoy ang mga unang disenyo na ipinakita nila sa mga Mamon. Pero hindi ito nagustuhan ni Mario dahil kung papasok daw sa park ang mga Pinoy at yung mga tipikal na nakikita lang din nila sa labas ang makikita sa loob ay parang mawawalan na ito ng magic. Gusto niyang makaramdam ang mga bisita na papasok sa park na para silang nasa mundo ng pantasya at mahika. Kaya naisip nila ang pangalang Enchanted Kingdom dahil pag bumisita ka raw dito ay para kang pumasok sa isang kaharian na punong puno ng hiwaga.

At ang resulta nito ay ang pitong lugar sa Enchanted Kingdom na may iba’t ibang tema. Sa front gate makikita ang Victoria Park na ibinase ang tema sa Victorian era. Andyan din yung ride area para sa mga bata na Boulderville, na kapareho ng Bedrock mula sa sikat na cartoon show na The Flintstones. Yung Midway Boardwalk naman ay parang Coney Island noong 1930s: May Jungle Outpost na ibinase ang tema sa Amazon Jungle, Spaceport na ibinase sa space age, Brooklyn Place na ibinase sa 1940s New York at Portabello na parang South American port. Bawat lugar ay may iba’t ibang rides at attractions, pati na tindahan ng mga pagkain at merchandise. Ito rin ang pinakamalaking theme park sa bansa na noong nagsimula ay may lawak na 10 ektarya.

Ayon kay Mario Mamon ay parang roller coaster ang naging takbo ng Enchanted Kingdom. May mga panahon na nasa itaas sila at may mga panahong nasa ibaba rin. At gaya ng ibang matatagumpay na negosyante ay nakaranas din sila ng mga pagsubok sa kanilang negosyo. Dalawang taon matapos maitayo ang Enchanted Kingdom ay naganap ang 1997 Asian Financial Crisis. Naapektuhan sila ng krisis pero napigilan din nito ang mga kalaban na planong magtayo ng kaparehong theme park.

Bagamat world-class ang pagkakagawa ay hindi pa rin naiwasan ang mga insidente sa Enchanted Kingdom. Noong October 18, 2006 dalawang manggagawa nito na nag-aayos ng lightning arrester ang aksidenteng nahulog mula sa bubong na may taas na 50 metro. Mabilis na naisugod sa ospital ang mga manggagawa ngunit sa kasamaang palad ay nasawi ang isa sa kanila. Agad naman na nilinaw ng management na hindi “ride-related” ang nangyari kaya matapos lang ang isang linggo ay muli silang nag-operate. Noon namang December 12, 2007 ay nag-malfunction ang 25-foot roller coaster ride na Space Shuttle kung saan na-stuck ang ilang sakay nito sa ibabaw. Maayos naman na nailigtas ang 25 sakay nito na karamihan ay mga estudyante sa isang educational tour. Nung kasagsagan ng Covid-19 pandemic noong 2020 ay pansamantalang nagsara ang theme park pero muli din namang nakapagbukas noong October nang taon ding yun. Sa kabila ng mga pagsubok na ito ay nanatiling matatag ang Enchanted Kingdom at ngayon ay tatlong dekada nang naghahatid ng saya sa mga Pinoy.

Nakilala ang Enchanted Kingdom hindi lang sa pagiging malaki at world- class nito kundi pa na rin sa iba’t ibang rides at attractions na makikita rito. Ang kagandahan sa Enchanted Kingdom ay nakakasabay ito sa social media. Aktibo sila sa Facebook, TikTok, Instagram, X na dating Twitter, at may channel din sila dito sa YouTube. Meron din silang simple at maayos na website. Isa sa nagustuhan ko sa website nila ay yung "Map" kung saan mo makikita yung lokasyon ng mga rides at attractions nila. Malaking tulong ito para sa mga first time pa lang na pupunta sa Enchanted.

Ayon sa map sa Victoria Park matatagpuan ang The Grand Carousel na unang bubungad sayo kapag pumasok ka sa theme park. Katabi nito ang Boulderville kung saan naman makikita ang mga pambatang rides gaya ng airplane ride na Air Pterodactyl, locomotive ride na Boulderville Express, mini tower ride na Bouncing Boulders, dinosaur ride na Dinosoarus at ang mini Ferris Wheel na Stone Eggs. Sunod naman ang Midway Boardwalk kung nasaan ang pendulum ride na Anchors Away. Meron din yung bump boat ride na may kasama pang water squirter sa Bump N’ Splash. Andito rin yung bumper cars na Dodgem, drop tower ride na Ekstreme Tower, junior roller coaster na Roller Skater, ang mala-hot air balloon ride na Up Up and Away, old-fashioned Ferris Wheel na Wheel of Fate at ang Kiddie Center na Kindermagic. Sa Portabello naman makikita ang swing ride na Flying Fiesta, water ride na Rio Grande Rapids at ang 7D Interactive Motion Theater na itinatampok ang Light Gun Motion Ride na XD Dark Ride. Marami ring makikita sa Spaceport. Andito yung roller coaster ride na Space Shuttle, acrobatic plane ride na Air Race, Fun Kart kung saan pwede kang mag-drive ng go-kart, at ang interactive inflatable trampoline na EKaleidoscope. Sa Spaceport din makikita ang war simulation areana na Xtreme Paintball Philippines at ang Laser Mission 2.0 na itinatampok ang LASER MAZE CHALLENGE at BEAM BUSTER. Nasa Jungle Outpost naman ang water ride na Jungle Log Jam at boat ride na Swan Lake. Sa Brookly Place makikita ang motion simulator theatre na Rialto 4D. Nasa Eldar’s Village naman ang mild roller coaster ride na Twin Spin at ang spinning disk ride na Disk-O-Magic. Pinakahuli yung Cultural Village kung saan matatagpuan ang kauna-unahang flying theatre sa bansa na Agila the EKsperience.

At gaya nga ng sabi ko mga kasangkay ay di pa ako nakakapunta sa Enchanted Kingdom pero alam ko na halos ito yung laging pinupuntahan tuwing may field trip yung mga estudyante. Gaya na lang nung last na field trip ng anak ko na na nag-enjoy sa Agila na sulit daw kahit sobrang haba ng pila. Kayo ba mga kasangkay, nakapunta na ba kayo ng Enchanted kingdom? Ano yung mga hindi nyo makakalimutang rides at attractions dito? Paki-share naman sa comment section sa baba.

Maliban sa pagiging pinaka-una at nag-iisang world-class na theme park sa Pilipinas, ang Enchanted Kingdom din ang pinakamalaking theme park sa bansa na sa kasalukuyan ay may lawak na 25 ektarya. Ang founder nito na si Mario Mamon ay di lang kilalang miyembro kundi naging chairman pa ng IAAPA. Noong 2014 ay siya ang naging kauna-unahang chairman na nanggaling sa Asya at ang kauna- unahang Pilipino na nakakuha ng ganun kataas na posisyon sa IAAPA. Siya rin ang unang Pilipino na nanalo ng Inspiration Award mula sa IAAPA.

Ang American producer at director na si Gary Goddard ang nagdisenyo at nag-plano ng Enchanted Kingdom. Siya ang co-founder ng Landmark Entertainment Group na gumawa ng Universal Studios theme parks. Pamilyar naman siguro kayo sa mascot ng Enchanted Kingdom mga kasangkay? Yung matandang wizard na kala ko dati ay si Merlin. Siya pala si Eldar the Wizard na mula sa lupain ng Marsynthea, na halata namang kinuha ang pangalan kela Mario at Cynthia. Gaya ni Merlin ay dinisenyo siya bilang simbolo ng kaalaman at integridad. Madalas niyang kasama ang dalawa pang karakter ng Enchanted Kingdom, ang kambal na sina Princess Victoria at Princess Madeline.

Noong 2012 unang umabot sa 2- milyon ang bisita ng Enchanted Kingdom. Bilang bahagi ng kanilang ika-30 anibersaryo ay inilunsad ang bagong family thrill ride na Eklipse noong March 30 2025. Enchanted Kingdom pa lang ang may ganitong ride sa Southeast Asia.

Nang simula ng Enchanted Kingdom ay si Mario lang ang aktibo sa pagpapatakbo nito. Taong 2008 na pumasok ang asawa niya na si Cynthia. Ang mga anak naman nila ay aktibo na rin ngayon sa pagpapatakbo ng negosyo nila. Noong una ay nagtrabaho ang mga ito sa ibang bansa at nang makakuha ng sapat na karanasan ay bumalik sa Enchanted Kingdom upang ibahagi ang mga nakuha nilang kaalaman para sa mas pagandahin pa ang theme park. Kaya masasabi natin na talagang family business ang Enchanted Kingdom. At marami pang pangarap at plano para rito ang pamilyang Mamon. Kaya tuloy tuloy lang ang pagbibigay saya at ligaya ng Enchanted Kingdom. At gaya ng sinasabi sa slogan nila makakaasa tayo na “The Magic Lives Forever.”

Maraming salamat sa muling pagsama hanggang sa dulo ng video natin mga kasangkay. Ano ang masasabi nyo sa kwento ng Enchanted Kingdom? Paki-share naman ng mga kwentong Enchanted Kingdom ninyo sa comment section sa baba. Paki-click na rin yung Like button kung nagustuhan nyo yung content na ‘to. Hanggang sa susunod na video mga kasangkay. Thank you for watching!