📱

Get Our Mobile App

Take your business learning on the go!

Download on the App StoreGet it on Google Play

Kaligirang Pangkasaysayan ng Ibong Adarna | NoypiTV

NoypiTV3:35

Transcription

Magandang araw. Sa video na ito, tatalakayin natin ang kaligirang pangkasaysayan ng Ibong Adarna, ang isa sa mga pinakatanyag at pinakakapanapanabik na kwento sa ating Panitikang Pilipino. Simulan na natin.

Ang Ibong Adarna ay isang uri ng kurido, isang tulang pasalaysay na may walong pantig sa bawat taludtod at may apat na linya kada saknong. Isinulat ito upang basahin at hindi upang awitin, at karaniwang naglalahad ng mga kababalaghan at mga sobrenatural na tauhan. Ito ay nagsimulang sumikat ng isalin ito sa katutubong wika. Hindi malinaw kung sino ang may akda ng Ibong Adarna, ngunit may mga paniniwalang isinulat ito ni Jose de la Cruz, na kilala rin bilang Huseng Sisiw. Gayon pa man, walang kongkretong ebidensya na magpapatunay nito.

Ang buong pamagat ng corrido ay "Corrido at Buhay na Pinagdaanan ng Tatlong Prinsipeng Magkakapatid na Anak ng Haring Fernando at ng Reyna Valeriana sa Kahariang Berbania," na nagpapahiwatig ng isang masalimuot na kwento ng pakikipagsapalaran at kababalaghan.

Ang kwento ng Ibong Adarna ay umiikot sa pakikipagsapalaran ng tatlong prinsipe na sina Don Juan, Don Diego, at Don Pedro, na mga anak nina Haring Fernando at Reyna Valeriana ng Kahariang Berbania. Sila ay naglakbay upang hulihin ang mahiwagang Ibong Adarna, isang ibon na matatagpuan sa Bundok ng Tabor at namamahinga sa punong Piedras Platas na nagliliwanag sa gabi. Ang Ibong Adarna ay may kakayahang magpagaling ng kahit anong sakit sa pamamagitan ng kanyang awit.

Ang kwento ng Ibong Adarna ay nagpapakita ng impluwensya ng mga kwentong Europeo sa Pilipinas. Ayon kay Pura Santillan Castrillo, ito ay hango sa mga kwentong bayan mula sa Romania, Denmark, Austria, Alemanya, at Finland. Sa kabila ng mga dayuhang impluwensya, malinaw na masasalamin dito ang mga katangian ng mga Pilipino tulad ng pananampalataya sa Diyos, paggalang sa magulang at nakatatanda, pagmamahal sa pamilya, at ang halaga ng pagtulong sa kapwa. Kaya naman, itinuturing ito bilang isang mahalagang bahagi ng panitikang Pilipino.

Ang Ibong Adarna ay itinuturing na isang panitikang pantakas na nagbibigay ng inspirasyon sa mga mambabasang Pilipino na nahihirapan noon sa ilalim ng kolonyalismong Espanyol. Sa pamamagitan ng akdang ito, nagiging posible para sa kanila na pansamantalang makatakas sa kanilang kalagayan at makiisa sa pakikipagsapalaran ni Don Juan.

Ang Ibong Adarna ay hindi lamang isang simpleng epikong tulang romansa, kundi isang akdang nagsisilbing paalala ng mga pagpapahalagang likas sa ating kultura. Sa kabila ng misteryo ng may akda nito, patuloy na nananatili ang Ibong Adarna bilang isang buhay na bahagi ng ating panitikang Pambansa.

At diyan nagtatapos ang kaligirang pangkasaysayan ng Ibong Adarna. Kung nakatulong sa iyo ang video na ito, huwag kalimutang mag-like, mag-subscribe, at i-click ang notification bell para lagi kang updated sa mga susunod naming videos. Hanggang sa muli. Maraming salamat sa panonood.

[Musika]