Transcription
Magandang araw! Sa video na ito, tatalakayin natin ang buod ng isa sa pinakatanyag at pinakakapanapanabik na kwento sa ating Panitikang Pilipino: ang Ibong Adarna. Ang buong pamagat nito ay "Kurido at Buhay na Pinagdaanan ng Tatlong Prinsipeng Magkakapatid na Anak ng Haring Fernando at ng Reyna Valeriana sa Kahariang Berbania." Ipinapakita sa kuwento ito ang mga pagsubok na kayang pagdaanan ng isang tao alang-alang sa pagmamahal sa pamilya at sa taong iniibig. Halina't samahan kaming tuklasin ang buod ng buong kwento ng Ibong Adarna. Simulan na natin.
Nagkaroon ng malalang sakit ang hari ng Berbania, si Don Fernando, dahil sa isang masamang panaginip. Nakita niya sa kanyang panaginip na pinaslang ng dalawang buhong ang bunso niyang anak, si Don Juan. At pagkatapos, isang tanging ang awit lamang ng Ibong Adarna ang makakapagpagaling ng karamdaman ng hari. Inutusan ng hari ang panganay na anak, si Don Pedro, na magtungo sa Bundok Tabor at hanapin ang puno ng Piedras Platas, dahil dito dumadapo ang Ibong Adarna. Nabigo siyang mahuli ang Ibong Adarna dahil naging bato siya nang mapatakan ng dumi ng ibon. Sunod na inutusan ng hari si Don Diego, ngunit nabigo rin ito. Natulad lamang siya sa sinapit ng panganay niyang kapatid.
Huling inutusan ni Haring Fernando ang paborito niyang anak, si Don Juan. Sa kanyang paglalakbay, tinulungan siya ng isang matandang ermitanyo. Kaya nailigtas niya ang kanyang mga kapatid na naging bato. Nang pabalik na sa Berbania, pinagtaksilan nina Don Pedro at Don Diego si Don Juan. Binugbog nila ito at iniwang nakahandusay sa daan habang sila ay umuwi sa kaharian dala ang Ibong Adarna. Muling tinulungan ng ermitanyo si Don Juan kaya nakabalik ito sa Berbania. Nagalit si Don Fernando nang malaman ang pagtataksil nina Don Pedro at Don Diego. Napatawad naman sila ng hari dahil inihingi ito ng tawad ni Don Juan.
Dahil sa angking ganda ng ibon, nawili ang hari sa Ibong Adarna. Sa takot na mawala ito, inutusan niya ang tatlong anak na magbantay. Nakatulog si Don Juan habang nagbabantay at pinakawalan ng dalawang magkapatid ang Ibong Adarna. Sa takot na maparusahan ng ama, tumakas si Don Juan at naglakbay hanggang sa makarating sa Armenia upang doon manirahan. Sinundan naman siya ng kanyang mga kapatid. May natuklasan sila roon na mahiwagang balon. Lahat sila ay nagtangkang bumaba, ngunit si Don Juan lamang ang nakapagpatuloy hanggang sa pinakailalim na bahagi. Doon natuklasan niya ang isang lugar na mala-paraiso sa ganda. Nakilala niya roon sina Donya Juana at Prinsesa Leonora. Natalo niya ang mga tagapagbantay ng mga prinsesa, kabilang ang higante at ang serpyente na may pitong ulo. Inilabas niya ang mga prinsesa sa balon, ngunit biglang naalala ni Prinsesa Leonora ang naiwang singsing. Muling bumalik si Don Juan sa balon upang kunin ang singsing. Nang makarating siya sa ilalim, pinutol ni Don Pedro ang lubid. Inutusan ni Prinsesa Leonora ang kanyang alagang lobo upang iligtas si Don Juan.
Nang makaligtas at gumaling ang kanyang mga sugat, muling nagkita si Don Juan at ang Ibong Adarna. Inutusan siya ng ibon na pumunta sa Reyno de los Cristales. Ginabayan siya ng mga ermitanyo at inihatid siya ng isang unicornio papunta sa reino. Inabot siya ng isang buwan sa paglalakbay bago tuluyang makarating sa banyo na paliguan ni Maria Blanca, isa sa mga prinsesa ng Reyno de los Cristales at anak ng tusong hari na si Salermo. Doon humarap siya sa iba’t ibang pagsubok na ibinigay ni Haring Salermo upang payagan na mapangasawa niya ang anak na si Maria Blanca. Sa huling pagkakataon, naisahan ng hari si Don Juan. Nalaman ni Maria Blanca ang plano ng ama kaya tumakas siya kasama si Don Juan. Dahil sa galit, isinumpa ni Haring Salermo na makakalimot si Don Juan at pagtataksilan si Maria Blanca.
Nang makabalik sa kaharian ng Berbania, nakalimot nga si Don Juan at inibig si Prinsesa Leonora. Hindi ito matanggap ni Maria Blanca kaya nagpanggap siyang emperatris na panauhin sa kasal nina Don Juan at Prinsesa Leonora. Gumawa siya ng paraan upang ipaalala sa prinsipe ang mga pagsubok na napagdaanan nila at ang kanilang pag-iibigan. Paglaon, muling bumalik ang alaala ni Don Juan at humingi siya ng tawad. Nangako siya na hindi na muling magtataksil. Ipinamana kay Don Diego at Prinsesa Leonora ang kaharian ng Berbania. Samantalang si Don Juan at Maria Blanca naman ang namuno sa Reyno de los Cristales. At diyan nagtatapos ang buod ng buong kwento ng Ibong Adarna. Kung nakatulong sa inyo ang video na ito, huwag kalimutang mag-like, mag-subscribe, at i-click ang notification bell para lagi kayong updated sa mga susunod naming videos. Hanggang sa muli! Maraming salamat! [Musika]